Monday, December 10, 2007

Preno

"Nagmamadali kayo, Manong? Kami hindi!" Yan ang matalim kong sabi sa driver ng taxi na sinakyan namin ng mga pamangkin ko papuntang MOA nung Linggo matapos kaming muntik nang mabunggo ng isang bus sa may EDSA. Kasalanan daw ng bus, sabi niya. "Kayo po may kasalanan!" tugon ko. "Ang bilis-bilis n'yo magpatakbo at talo n'yo pa ang sawa sa pagliku-liko!" Ganun daw talaga ang mga taxi pag walang traffic, lalo na pag Linggo. "Hindi po. Kayo lang ang ganyan! Sa susunod po, kung gusto n'yo maaksidente, siguraduhin n'yong wala kayong pasahero. 'Wag kayong mangdamay ng iba!" Hindi naman daw sa ganon. Wala naman daw gustong maaksidente. At kasalanan nga daw ng bus dahil biglang lumiko. Sabi ko, kung hindi naman siya nagtutulin ng takbo hindi sana kami magigiit ng ganun. "Kanina pa ho kayo parang may hinahabol, pagtungtong pa lang natin ng EDSA mula sa Cubao," dagdag ko. Sumagot pa rin siya. Kung hindi naman daw nangyari yun, hindi ko masasabing may mali sa pagmamaneho niya. Sana daw nagsalita na ako agad. Buti na nga nakaiwas kaagad siya. Natahimik ako. Tama siya. Dapat nga nagsalita ako kaagad nang magsimula akong maging hindi komportable sa pagmamaneho niya. Ang sa akin naman, at ito ang sagot ko sa kanya, akala ko responsableng driver siya at babagal din siya at some point. Alam kong palusot lang ang sinabi kong ito, kaya nag-sorry ako na hindi ako nagsalita agad. Pero hindi talaga para sa kanya ang sorry ko kundi sa sarili ko at sa mga pamangkin ko. Sorry na hindi ako yung tipong ma-react kaagad. Ganun ako eh. Kahit klaro na ang peligro. Mali pala. May binabagayan lang pala ang hindi pag-react at pagpepreno sa pagsasalita kaagad, tulad ng mga emotional situations. Pero di dapat sa lahat ng panahon ganun.

No comments: